Sunday, October 12, 2008

Ang nagmamahal at ang panatiko

Atraksyon, paghanga sa mga TV personality, panatisismo nga lang ba? Malandi ka ba 'pag marami kang crush? Ang pamantayan mo ba ay nasusukat lang sa panlabas na anyo at pisikal na kakayahan?

Hindi kaya mas tamang sabihin na iniibig natin, napapamahal sa atin ang isang bahagi ng pagkatao ng taong hinahangaan natin na inihahain sa atin?

Hindi ba kaya tayo humahanga dahil naantig tayo sa taong ito, isang partikular na emosyon o damdamin ang pino-provoke nila, iyon bang sinasabing 'plucked a heart string' at nagdudulot ng inspirasyon.

Ang isang parteng ibinabahagi ay nagiging bahagi na rin ng pagkatao ng taong pinagbabahaginan.

Ang minsang pag-ibig at paghanga sa isang tao o bagay ay habambuhay nang tumatatak sa atin. Nag-iiwan ito ng marka, gaya ng lahat ng bagay na nagdadaan sa buhay natin. May impact o epekto sa 'tin. Sa malaki man o mumunting paraan ay binabago tayo nito. Nagiging bahagi na sila ng ating buhay at pagkatao.

Tinuturuan tayo nitong manalig, maniwala at 'wag mawalan ng pag-asa.

Sa pamamagitan nito, nabubuo natin ang ilan nating pangarap; nagkakaroon tayo ng something to look forward to sa hinaharap. Mas nadaragdagan ang lakas nating magpatuloy sa kabila ng sunud-sunod na mga paghamon.

Gumuguhit ito ng ngiti kahit sa ating pag-iisa.

Bakit tayo humahanga? Nagigising ang isang bahagi ng ating mga sarili na di pa natin natutuklasan. Marahil ay nakikita natin ang bahagi ng sarili natin na di natin alam na meron pala tayo o di kaya naman ay nakikita natin sa kanila ang di natin makita sa sarili natin. ANg pag-ibig/ paghanga sa kanilia ay nabibigyan tayo ng kabuuan, ng sense of wholeness. Mas nakikilala natin ang katauhan natin at tinutulungan naman tayo nito sa pagkilala sa iba.

Pinag-aaralan, kinikilala natin nang husto ang taong hinahangaan at masiguro natin na karapatdapat sila sa pagmamahal at paghangang ibinibigay natin. At kahit paano, di man natin ma-meet ng personal ang taong hinahangaan ay masasabi nating lubos natin itong nakilala at maa-appreciate natin ang ligayang ibinigay nila sa buhay natin. Nagiging daan din ang inspirasyon na ibinigay nila sa atin tungo sa personal na pag-unlad at pagbabago dahil naiisip nating mas magiging katanggap-tanggap tayo sa taong ating hinahangaan.

Nagkakaroon din tayo ng sense of destiny, naniniwala tayo na ang pagkakataon ng pagkakatagpo o pagkakakilala at mga pagkakapareho sa taong hinahangaan ay tinadhana. Na ang sanlibutan ay nagkukusang gumawa ng paraan na magkita kayo, muling magkatagpo.

***

Ang paghanga at pag-ibig ay iisa. Kaya nga lagi kong sinasabi, I LOVE YOU, KIKO

No comments:

Post a Comment