Bisperas ng kaarawan, isang magandang araw para mahuli sa klase. Kakaibang lakas ang dulot sa ‘kin ng araw na ito kaya naman napasarap ang tulog ko. Masarap ang almusal na nakahanda, sumasagisag sa iba pang magagandang bagay na haharapin ko ngayon araw. Matapos kong mag-ayos at maihanda ang lahat, nagsimula ako sa aking paglalakbay patungo sa paaralan. Lakad. Lakad. Habang ako’y naglalakad patungo sa gate ng aming subdivision, napatigil ako. May isang kakaibang butiki ang tumawid mula sa isang dako ng kalsado patungo sa kabila. Napatigil ako hindi dahil namangha ako sa kakaibang nilalang na nakadaupang palad kundi dahil muntikan na akong madapa nang iniwasan kong maapakan ang munting nilalang. Nang nakatawid na s’ya, nagpatuloy ako sa paglalakad. Malapit na ako sa gate nang nagsimulang umulan, lumuha ang kalangitan. Ibang kapayapaan ang binigay sa ‘kin ng patak ng ulan ngayong araw. May dala akong paying pero pinili kong saluhin ang patak na ulan sa aking balat at hinayaan itong haplusin ako
Nakahanda na ang lahat Pa-party kami bukas ng gabi. May inaasahan akong sorpresa at nando’n lahat ng mahahalaga sa ‘king tao lalo na si Kuya.
Basa ang daan pero mabilis pa rin ang takbo ng jeep. Wala naman kasing dumadaan nang mula sa kawalan, may isang bata ang biglang tumawid. Napatigil ang bata sa harap ng sasakyan, napatulala. Buti na lamang at napaatras ng isang hakbang ang bata at hindi ito nahagip ng matulin na jeep. Hindi napaano ang bata pero sinubukan pa rin s’yang iwasan ng driver. Inikot n’ya ang manibela. Madulas ang kalsada. Nawalan ng control ang driver kaya nagpagewang-gewang ang jeep hanggang sa kabilang lane. ‘Di napansin ng driver ang kasalubong nitong rumaragasa ding 18-wheeler truck kaya ang dalawang sasakyan ay nagsalpukan.
Bente-uno na ako bukas. Isang bagong simula pagkatapos ng isang wakas.
Iminulat ko ang aking mga mata. Ilang minuto na lang ay nasa pamantasan na ako. Maganda na ang panahon, tumila na ang ulan at sumikat na muli si haring araw. Buti naman at walang traffic at tamang-tama lang ang takbo ng jeep na aking sinasakyan. Mas maaliwalas na rin ang ihip ng hangin. Sa kahabaan ng highway, nakita ko ang isang ambulansya. Tinitigan ko ito nang matagal. Nakaramdam ako ng ‘di mawaring kirot sa aking dibdib at sakit sa buo kong katawan pero ‘di ito nagtagal. Unti-unti naglaho ang lahat ng sakit na aking naramdaman. Banayad na umihip ang hangin at parang isang dandelion, tinangay ako nito, ang diwa ko, ang buo kong pagkatao. Ipinikit kong muli ang aking mga mata.
Nagpatuloy ang pagtangis at mga hikbi. May ilang boses na tumatawag sa isang pamilyar na pangalan. Kilala ko s’ya pero ‘di ko maalala. Sino nga ba ang tinatawag nila? Maliban sa mga pagluha, nakarinig din ako ng mga taong nagtatanong, nag-uusisa. Naghalo-halo ang sari-saring ingay ngunit mayroong isang nangibabaw sa lahat, “Waaang-waaang!”.
Ika-apat ng Hulyo 2007, ika-siyam ng umaga, isang pampasaherong jeep at 18-wheeler truck ang nagsalpukan sa kahabaan ng
Bughaw, puti, itim, kulay ng mga lobong pinalipad nila sa hangin. May cake at mga kandila, masasarap na bogchi ang handa at iba’t ibang flora sa paligid.
No comments:
Post a Comment